May isa akong kasamahan sa kilusan. Matalino sya, nag-iisip at kahit papano’y may dedikasyon sa ginagawa. Parehas kaming nag-aaral sa isang state university. Kaso yung tatay nya, ayaw ng aktibismo. Kaya daw sya nag-aaral ay hindi para sumali sa mga kung ano-anong klaseng grupong tulad ng meron kami. Wala daw mararating ang mga ganitong klaseng gawain. Alam daw nya dahil naging college student din daw sya. Sukdulang umabot sa pagpapalayas sa kasama ko sa bahay nila ang parusa sa kanya ng tatay nya dahil pinipilit nitong layuan na ng kasama ko ang kilusan. Madaming klaseng pananakit ang ginawa sa kanya. Ang payat pa naman ng katawan nya pero kahit ganun ang sitwasyon, bilib ako dahil hindi nya hinayaang maging sagabal iyon sa kanyang pinaniniwalaan at ipinaglalaban.
Ang isa ko namang kasama, pastor ang tatay. Isa lang syang brat na spoiled (in other words, spoiled brat) na walang ibang alam kundi lalake at pagpapaganda. Pero napasok sya sa kilusan at nag-improve sya ng malaki. Student council ang pinagsimulan nya pero na-integrate din sa mass movement. Hanggang sa naging bahagi ng isang cadre formation. Natuwa ako sa kanya ng sobra nang magbahagi sya ng kwento sa isang discussion. Nagkaroon kasi ng ED tungkol sa capitalism and patriarchy. Kasama na din ang state apparatus tulad ng church, school at media. Naging partikular ako sa linya nyang “Parang ayoko na nung religion ko.” at “Pa’no yan, pa? Eh sosyalista ako?” Hindi ako natutuwa sa pagtatakwil nya sa religion nya (dahil for sure, hindi pagtatakwil ang tawag dun) kundi nakikita ko ang unti-unti paglago nya bilang isang sosyalista. Kung ibang tao ang magkaroon ng ganung klaseng discussion, marahil na hindi magiging ganun ang pagtanggap. Masaya ako para sa kanya. Pero mahabang paglalakbay pa rin para organisahin nya ang kanyang sariling pamilya lalo na at ito’y nabubuhay sa isang “konserbatibong” kalikasan.
Nag-usap kami ng tatay ko...ang sabi nya, masama daw ang adbokasiyang meron ako. Sabi nya, dapat ang focus ko lang ay ang pag-aaral at ang goal kong yumaman. Nag-iisip naman daw ako kaya dapat alam ko yung mga ganung bagay. Yung nanay ko naman, ang sabi nya, hindi ka pwedeng mabuhay ng walang pera. Kaya daw ako nag-aaral para yumaman. Kaya daw ako nag-aaral para kumita...
Bakit ganun ang mga magulang? Parang nagiging magkakamukha na sila. Nagiging mukhang pera. Totoong hindi tayo nag-aaral lang para sumali sa kung ano-anong organisasyon ngunit kung ikaw ay natututo na, marahil may mga pagkakataong dapat mong isabuhay ang mga nalalaman mo. Kung alam mong may mali, bakit mo ito ipagpapatuloy? Kung totoong matalino ka, dapat tumulong kang basagin ang mali at tumulong upang ito ay hindi na magpatuloy.
Hindi natin masisisi ang mga magulang kung bakit sila masyadong nag-iisip na ang kinabukasan=pera. Ang mundong ito ay nakubkob na ng mapanupil na kapitalistang sistema. Ang mga magulang, sa isang banda, ay nagiging kapitalista na din. Sa mata ng isang kapitalista, lahat ng bagay ay nkikita nyang kapital. Ang nanay ko, pinag-aaral ako para pag nakatapos ako, makapagtrabaho ako at yumaman. Ganun din marahil ang tingin ng marami pang magulang.
Habang sinasabi sakin ng tatay kong “matalino ka naman kaya dapat alam mong walang patutunguhan ang ganyang klaseng gawain.” Gusto ko syang sagutin ng “alam kong may talino ako kaya alam kong hindi ito basta walang patutunguhan.” Syempre, sa halip na sabihin ko iyon, “opo” na lang ang naisagot ko. Gusto nya pa (nakakatawa) iangat ang aming pangalan. Nakakirita sa pandinig ung mga naririnig ko sa kanya dahil sobrang taliwas kami ng gustong mangyari. Ano bang sense ng mga gusto nyang mangyari? Hindi ko kasi Makita. Yung nanay ko naman, sabi nya “tanga ka ba?! Kaya ka nag-aaral para magkapera.” Pero sinagot ko sya ng “nag-aaral ako para matuto higit sa kung ano pa man.” Hindi ko daw kayang mabuhay ng walang pera at hinamon pa ako “sige nga, subukan mo ang isang araw na walang pera...hindi mo yun kaya.” Sagot ko, “siguro nga sa ngayon, hindi ka talaga mabubuhay ng walang pera. Bakit? Kung lahat ng bagay sa mundong ito ay pinapaandar ng kapitalismo, magiging ganyan nga ang buhay. Kung lahat ng tao ay iisiping pera ang nagpapagalaw ng mundo, marahil magiging ganun nga. Pero hangga’t hindi natatapos ang siklo ng baluktot na pag-iisip kung saan pera ang bida, walang bagong mangyayari. Hindi ko kailangang yumaman. At bakit ko yun gugustuhin? Dahil all these times, mahirap ako kaya kailangan yumaman din ako? Para saan? Para makapang-abuso?”
Gusto kong mabago ang pag-iisip ng mga tao. Mahirap gawin yun dahil sa sarili ko ngang mga magulang, hirap na akong gawin. Pero isang malaking salik ang mga magulang bakit din umiinog ang ganitong klaseng sistema. Itinutulak nila ang kanilang sariling mga anak upang maging bahagi ng proletarianisasyon. Ibinibenta sa mga kapitalista ang mga anak upang payamanin ang mga kapitalista at para kahit papano’y maging kabahagi ng kita nito. Hindi nila naiisip na lalo nilang pinapapanalo ang kapitalismo.
Hindi natin sila masisisi. Mahaba pa ang landas na tatahakin ng mga sosyalista lalo na ng mga sosyalistang kabataan upang maipanalo ang ibinabandilang “Sosyalismo alternatibo!”. Isa itong malaking hamon para sating lahat na sana’y maging inspirasyon pa upang ipagpatuloy ang ating tinatahak na daan.